
Message of the Chairman,
National Committee on Music
Isang maalab na pagbati mula sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining at mula sa Pambansang Komite para sa Musika.
Ako po ay lubos na nagagalak sapagkat mayroon na naman tayong ipagmamalaki na proyekto. Ito ay walang iba kundi ang Music Geography na nagawa mismo dito sa Pangasinan. Kaya nga naman natutuwa ako sapagkat mahirap ding manaliksik ng mga tinatawag nating kalipunan o sa Ingles ay resources pagdating sa musika.
Kaya taos-puso po ang aking pagbati sa Pamahalaan Panlalawigan ng Pangasinan na pinamumunuan ng walang iba kundi si Gobernador Ramon V. Guico III, gayon din po sa bumubuo ng Provincial Tourism Culture Affairs Office sa pamumuno po ni Ms. Malu Amor-Elduayan. Talaga namang saludo kami sa inyo at sa mga nanaliksik. Mahirap pumunta sa bawat pamayanan at bayan upang hanapin ang mga nawawala nang mga awitin. Kaya naman dapat ipagpatuloy natin itong mga proyektong ito. Kaya naman kami sa NCCA, kami po ay naiinspira at patuloy ang aming pagsuporta sa mga ganitong adhikain at layunin.
Minsan, nagtatanong tayo, ano ba ang musika ng Pangasinan? At madalas ang sagot nila ay Malinac lay Labi. Pero ito lang ba ang musikang maipagmamalaki? Alam kongmarami pa. Kaya nga itong proyekto na tinatawag nating Music Geography, nakita namin na ang dami pa palang mga matatawag nating pamanang lahi pagdating sa musika ng Pangasinan.
Ang Pangasinan ay kinikilala namin bilang isa sa mga bukal o sources ng kultura dito sa Pilipinas. Kaya naman sa mga ginagawang mga proyekto tulad nito, kasama na ang pamayanan ang mga nananaliksik, ito po ay dapat lamang ipagpatuloy sapagkat sino ang mabibiyayaan dito sa proyektong ito? Marami po. Unang-una, itong libro na kung saan naitala ang iba’t-ibang musika na maaaring hindi pa ito naririnig ngayon sa kasalukuyang henerasyon. Maaaring magamit ito ng mga paaralan sa kanilang pagtuturo sa MAPEH, gayun din po sa mga pamayanan at kapag mayroong mga pagdiriwang dito sa Pangasinan at maging sa buong Pilipinas.
Alam naming madadagdagan na naman ang kaalaman na ito na magiging bahagi na naman ng museo at hindi lang museo dahil ito’y isang living cultural heritage. Ito’y patuloy na mananaig sa bawat puso at sa bawat kaluluwa ng mga taga-Pangasinan atng buong Pilipinas.
Mabuhay po kayong lahat.
Arvin Manuel R, Villalon
Chairman, National Committee of Music, NCCA


